Mga Napagnilay-nilayan sa Pag-alala sa Kanyang Sakripisyo

Ilang linggo na rin akong nababalot ng pagkabagabag. Marahil ako nga ay narito sa tinatawag na quarter life crisis. 

Tatlong taon nang gradweyt, pakiramdam ko dapat may naabot na ako. Sa ilang daang libong piso na nagastos ng magulang ko para ako’y pag-aralin sa isang prestihyosong unibersidad, dapat nakakapagbalik na rin ako sa kanila. Dapat tuwing nagkukuwento sila sa kanilang mga amiga’t amigo eh malaki ang mga ngiti nila at hindi na magkanda-ugaga sa pag-isa isa ng aking mga naaabot.

Mali pala ang aking pakay. Mali ang aking intensyon sa pagnanais na magtagumpay.

Itong mga nakaraang araw, ako ay balisa. Ang tanong na paulit-ulit sa aking isipan: “Ano ba talaga ang layunin ko dito sa mundong ibabaw.”

Ilang beses ko nang narinig, ngunit hindi ko pa rin pala naisasapuso. Ang layunin ng bawat isa sa atin ay ang pagpurihan ang Diyos. ‘Ika nga ni Cardinal Tagle sa kanyang mensahe sa mga nagtapos sa Ateneo noong nakaraang linggo, ang pakay ng buhay ng tao ay: “to praise God, to reverence God, to serve God…”

Ayon nga ‘di ba sa Bibliya,

So whether you eat or drink or whatever you do, do it all for the glory of God. 1 Corinthians 10:31

Do it ALL for the glory of God. Kung ikaw ay may pangarap, mangarap kang bigyang kaluwalhatian ang Diyos.

Matagal ko nang ipinapangarap na magkaroon ng saysay ang aking buhay. Buti pa ang mga doktor, naisip ko, malaki ang naitutulong nila sa komunidad. Buti pa ang mga karpintero, naisip ko, nakakapagtayo sila ng bahay at gusali para din sa komunidad. Naisip ko, ano nga ba ang naidudulot ng aking trabaho para sa ikauunlad ng komunidad? Syempre mayroon din, hindi nga lang ganoon ka-direct ang effect. Yun ang mahirap, yun ang dahilan ng aking pagkabagabag. Hindi ko makita ang saysay ng aking ginagawa.

Nais kong makatulong sa mga nangangailangan. Hindi ko lang alam kung papaano.

Nasabi din ni Cardinal Tagle ang ukol sa nabanggit ng isang retired cardinal sa kahahalal lamang na Pope Francis, “huwag mong kakalimutan ang mga dukha.”

Ilang araw itong tumatakbo sa aking isipan, “do not forget the poor, do not forget the poor…”

At kasabay nito, naiisip ko din ang kwento na ihinayag ni Hesus noon, ang kwento ng “Rich Man and Lazarus.” Hindi ba’t makikita natin sa kwentong iyon ang hindi matatawarang pagmamahal ng Panginoon sa mga mahihirap?

Kung ang Panginoong Hesus nga ay nakihalubilo sa mahihirap, gumamot ng mga may karamdaman, kumain kasama ang mga makasalanan– hindi ba’t nararapat lang na siya’y ating tularan?

Marahil ay dapat akong magpasalamat na ako’y nababagabag sa ganitong paraan. Panalangin ko lang na hindi ko hayaang sa isipan ko lamang mamalagi ang pagkabagabag na ito. Nawa’y bigyang lakas ako ng Diyos na sumunod kung saan Niya ako tinatawag, kung saan ako’y makakatulong sa mga anak niyang nangangailangan.

Bukas Lunes nanaman, ibig sabihin patapos na ang selebrasyon ng Holy Week. Ito ang unang Holy Week na lumipas nang hindi ko kasama ang aking pamilya. Malungkot, oo, ngunit sa gitna ng katahimikan, aking napagnilay-nilayan ang ilang mga bagay.

Ang Holy Week ay isang linggong nagsisilbing paalala sa ginawa ni Hesus mahigit dalawang libong taon na ang nakalilipas. Ako ay lumaki sa isang Kristyanong pamilya, sa aming paniniwala, hindi dapat maging panahon ng pagluluksa sa Holy Week. Sa halip, ito ay panahon ng maligayang pag-alala sa tagumpay (victory) na natamo ng Panginoon. Tayo ay ligtas na. Si Hesus ay pinako sa krus at muling nabuhay sa ikatlong araw. Siya ay nanatiling buhay mula noon.

Subalit sa aking pagninilay nilay, naisip kong… marahil ay nararapat lang din na tayo ay makaramdam ng pighati.

Bilyun-bilyon pa rin ang HINDI nakakakilala kay Kristo. At kahit tayong nakakakilala sa kanya, patuloy sa paggawa ng mga bagay na hindi nagbibigay ng kaluwalhatian sa kanya. Patuloy pa rin tayong nagkakasala. Patuloy pa rin nating sinasaktan ang Diyos.

Sana kahit hindi Holy Week ay maalala natin iyan. At tulad ng aking dasal kanina na huwag lamang sa isipan manatili ang layon kong makatulong sa nangangailangan, dalangin ko rin ngayon na hindi lamang sa salita at mga tradisyon natin maipakita sa Panginoon ang ating pananampalataya sa Kanya. Nawa’y tayo ay humayo at huwag mapagod na Siya’y bigyang papuri at ipakilala sa mundo. 🙂

Kisses

 

For the copy of the referenced commencement speech: http://www.rappler.com/move-ph/24656-full-text-tagle-speaks-at-ateneo-graduation

Leave a comment