Unang SONA ni Pangulong Noynoy Aquino.
Mamarapatin kong sumulat gamit ang ating sariling Wika. Nakakalungkot man ang laman ng ating “State of the Nation” Address, natuwa ako sa paraang ginamit ng ating pangulo upang ipahayag sa mga mamamayan ng sambayanang Pilipino ang tunay na estado ng ating bansa. klaro, diretso, walang pasikut-sikot pa.
Inilahad niya ang SONA sa Wikang atin. Madaling maintindihan kahit ng isang maralitang Pilipinong naghihirap ng dahil sa ating lubog nang ekonomiya.
Sa mga nakaraang SONA ng ating nakaraang “pangulo,” ang madalas na nababanggit ay ang mga naipatupad, ang pag-angat di umano ng ekonomiya ng bansa, and malaking pagsulong ng GDP, at kung anu ano pang blah blah na hindi naman maintindihan ng karamihan sa mga Pilipino. Puro salita at pagmamayabang na hindi naman nadaramang tunay ng mga mamamayan.
Dalawang bagay.
Noong SONA ni Gloria: Hindi maintindihan. at Hindi madama.
Hindi maintindihan ng maralitang Pilipino ang SONA na ihinayag ni GMA noong nakaraan. Madalas ay magkahalong Ingles at Tagalog ang ihinahandang talumpati ni Gloria tuwing SONA. Kadalasan ay puno ito ng mga salitang hindi madaling maintindihan ng isang simpleng mamamayang hindi nakapag-aral ng ekonomiks, o ng pulitika. Anong saysay ng SONA kung hindi maintindihan ng mga mamamayan? At hindi maintindihan sapagkat–naghihirap ang bansa, at kung hindi ako nagkakamali 80 hanggang mahigit 90 porsyento ng ating populasyon ang kabilang sa income bracket ng D at E. Ganito ang tunay na kalagayan ng bansa, ngunit ano ang naririnig ng mga mamamayan sa ating dating pangulo tuwing SONA? Mga banyagang salitang hindi maintindihan? Mga diumano’y pag-angat na hindi naman natin makita-kita?!
Hindi madama. At hindi lang dahil sa malalalim na salita kaya’t hindi maka-konek ang mga Pilipino sa nakaraang mga SONA ni Arroyo. Madalas kasi ay pinupuri niya ang kanyang pamahalaan. Madalas ay may ipinagmamalaking tagumpay. Ngunit sa mga nakaraang taon, sino ba ang patuloy na yumayaman? At sino ang patuloy na naluluklok sa kahirapan.
Sa tingin ko, kaya nangusap sa karaniwang mamamayan ang talumpati ni Pangulong Noynoy ay hindi lamang dahil sa simpleng mga salitang kanyang ginamit, kundi dahil ang mga inilahad niya ay ang katotohanang matagal nang hinahanap ng mga Pilipino. Mga paliwanag sa kung bakit panay hirap nalang ang nararamdaman ng bawat Pilipino. Mga makabuluhang eksplanasyon kung bakit, sa kabila ng matataas na buwis, sa kabila ng ating mga kayamanan bilang Pilipino, ganito pa rin ang estado ng ating buhay.
Nangusap si Pangulong Noynoy, at ito nga naman ang dapat na mangyari sa isang SONA.
Pangulong Benigno Aquino, hindi man kita ibinoto noong nakaraang halalan, saludo ako sa’yo.
Pwede na tayong mangarap na muli. 🙂
Pilipino, tara!
PS paumanhin sapagkat matagal-tagal na rin akong hindi nakakapagsulat sa Filipino. 😦